Biyernes, Hunyo 30, 2017

Masipag na Kalabaw: Isang sanaysay na inihahandog para sa isang ama



Masipag na Kalabaw
     Pasikat pa lamang ang araw ay papunta na ako sa aming bukid, motor ang aking sandalan pagdating sa sakayan, huwag lamang mahulog sa aking makipot na dinadaanan. Pagdating sa bukid, mga batang paslit ay aking mabubungaran,hihingi sila ng pagkain na aking dala at sa kanila ay aking ibinibigay. Alagang baboy aking papakainin, papaliguan at lilinisin upang pagdating ng araw ay maibenta ng mahal ay may ipambayad sa tuition balang araw. Kumakanta-kanta paminsan-minsan ng mga kantang ayaw marinig ni Leonida, laging reklamo ang boses ko raw na sintonado, ano ang aking magagawa? Nasa lahi naming ang magandang boses. Pagkatapos kong pakainin ang mga baboy ay babalik uli ako sa aking motor, pupunta sa isa ko pang bukid, tatawid ng kahoy na tulay na sa ilalim ay rumaragasang tubig, babati sa mga kakilala at hindi kakilala, suot ang jacket na manipis ay sasalubongin ko ang init makarating lang sa bukid upang makita ang kung kailan pupuwedeng anihin. Pagkatapos nito ay uuwi na ako sa aming bahay dahil tumatawag na sa aking cellphone ang aking asawa, malamang sa malamang ay mayroon nang mapamolino. Pagdating sa aming molinohan ay makikipagkuwentohan muna ako sa mga taong naroroon habang pinapainit ang makina at saka na magsisimulang magtrabaho sa molinohan, pagsapit ng hapon ay babalik uli ako sa aming bukid upang magpakain ng alagang baboy at babalik ng gabi. Yan ang buhay ko araw-araw, kinakaya ang lahat ng problema at sakripisyo para sa pamilya. Hindi man ako nakapuntang abroad at nakapagtrabaho roon tulad ng aking mga kapatid, masasabi kong maayos naman ang naging buhay naming ng aking pamilya rito sa Pinas. Konting tiis na lamang at ang tatlong anak ko pa uli ay magtatapos na. Makakapagbakasyon na rin kaming mag-asawa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento