Lunes, Enero 23, 2017

Pagsusuri sa "Ang Baliw" ni Mayette Bayuga (Konting pagsusuri)



Ang Baliw
ni Mayette Bayuga

I.                   Buod
Dumating sa bahay nila Cecille si Vance nang mag-uumaga na ngunit aalis uli ito upang idala si Soreen, asawa ni Markus sa Psychiatric ward dahil sa pagwawala nito sa klab na pinagtratrabahuhan ni Vance na pagmamay-ari ni Markus. Pagkadala nila kay Soreen sa ward ay pansamantala lamang siyang ilalagay rito at idadala na siya sa Mental Hospital. Nagpresenta si Cecille na siya na ang magbabantay kay Soreen, habang binabantayan niya si Soreen ay ikinuwento ni Soreen ang lahat ng kaniyang naranasan sa pagtratrabaho niya sa abroad, lahat ay tiniis niya para sa kaniyang pamilya ngunit nang siya ay bumalik ay may ibang babae na  si Markus at may anak na ito rito. Ngunit dahil sa mahal na maal niya si Markus ay hinayaan niya na lamang niya ito at noong nakaisip siyang maghiganti rito ay puro pambubugbog ang nakuha niya rito. Lahat ng akala ni Cecille na ikinuwento ni Vance tungkol kay Soreen ay mali. Lahat ay puro kasinungalingan. Nagtaka si Cecille kung bakit siya nagpresenta na magbantay ay Soreen, at doon niya nagapagtanto na baling araw ay siya naman ang hihiga sa tablang tinabunan ng katsa, wlaang unan at kumot, pinapapak ng lamok at tadtad ng pasa ang kaluluwa.


II.                Deskripsyon ng mga tauhan (maikling kuwento)
Soreen- asawa ni Markus na idinala sa Psychiatry ward ng PGH na pinagkakamalang baliw.
Cecille- asawa ni Vance na siyang nagpresenta na magbantay kay Soreen sa Psychiatry ward at nalaglag ang anak .
Markus- asawa ni Soreen na may-ari ng klab na Leggings.
Vance- asawa ni Cecille at kasosyo sa trading ni Markus at nagkaroon ng relasyon sa kaniyang sekretarya.
Betzy- kapatid ni Markus.
Belle- pamangkin ni Markus at nagrereklamo sa pagbabantay kay Soreen.
Dra. Garcia- ang doktor na tumingin kay Soreen.

III.             Pagtalakay

Realismo

            Sa akdang “Ang Baliw” ni Mayette Bayuga ay nagpapakita nang katotohanang nagyayari sa mga kababaihan galing abroad na kung saan nagkandakuba na sila sa katratrabaho sa ibang bansa upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya ngunit nang umuwi ay magyroon nang ibang kiankasama ang asawa o di kaya’y napabayaan ang kanilang mga anak. Pinapakita rin sa akda ang katotohanang nangyayari sa pang-aabuso ng mga kalalakihan sa mga kababaihan na kung saan puno ng pasa ang katawan ni Soreen nang dalhin ito sa Psychiatric ward, na kung saan pinagbubugbog ito ni Markus, ang kaniyang asawa. Ipinakita rin sa akda ang kalunos-lunos na pangyayari sa buhay ni Cecille na ung saan nagkaroon nang realsyon ang kaniyang asawa at ang sekretarya nito. Ipinakita rin sa akda ang tunay na sitwasyon sa loob ng Psychiatric ward at kung gaano ito hindi angkop sa mga namamalagi sa loob.

Gamit ng Wika
Ang ginamit na wika sa akdang “Ang Baliw” ni Mayette Bayuga ay di-fomal sapagkat may halong Ingles ang akda at walang masyadong ginamit na matayutay at matalinghagang salita.

Tono
Ang saloobin na nakapaloob sa teksto ay pagsisisi at pagmamahal sapagkat ipinaramdam ng may-akda ang nararamdaang pagsisisi dahil sa kung hindi iniwan ni Soreen ang kaniyang pamilya ay kilala sana siya ng kaniyang mga ank at hindi sana siya nagkaroon ng problema kay Markus dahil nararamdaman ni Markus sa pangingibang bansa ni Soreen ay wala siyang silbi. Pagmamahal sapagkat kahit anong man ang ginawa o pang-aabuso ng kanilang asawa ay tiyaga nila ito pinasasamahan at kahit ayroon itong ibang babae ay pikit matang tinatanggap ang lahat nang katotohanan upang hindi lang mawalay ang kanilang mahal.
                       
                                   

Lunes, Enero 9, 2017

Epektibong Guro


Natuto ako kay Titser”

            Si Titser ang humuhubog sa bawat estudyante na maging isang produktibo at malikhaing mag-aaral. Maraming pasakit ang dinaanan ng isang tao upang siya ay maging isang ganap na guro. Lahat tayo ay may kaniya-kaniyang pamantayan sa pagiging isang epektibong guro. Marami ding mga eksperto ang nagbigay ng mga pamantayan tungkol dito. Hindi madali ang maging isang guro, maraming responsabilidad ang nakalaan upang matulungan ang bawat estudyante.

            Ang pagiging isang epektibong guro ay nasaiyo na. Ayon nga sa aking guro sa Ed TechThe best Technology is the Teacher” Hindi rito tinutukoy ang teknolohiya gaya ng laptop, cellphone, facebook, twitter at iba pa ang tinutukoy rito ay ang pagiging isang produktibo ng isang guro, kung paano maisasagawa ang pagtuturo kahit walang teknolohiya sa loob ng silid-aralan, kung baga ano ang alternatibong paraan na magagawa ng isang guro para matuto ang kaniyang estudyante. Ang unang pamantayan nang pagiging isang epektibong guro ay ang pagiging mabait, may respeto at palakaibigan sa mga estudyante at kapuwa guro, ang gurong ito ang ginagalang at inspirasyon ng ilan. Ang ganitong klaseng guro ay kahit na may ginagawa sila ay hihinto nang hihinto ito upang makausap o mag “HI” sa kanilang estudyante. Pangalawa, ang guro ay hindi dapat nanghuhusga ng iba lalo na sa mga estudyante, kung mayroon man silang nalaman na may ginawang mali ang estudyante sa kanila, kung maaari ay kausapin ito ng kayo lang ang nakakarinig. Huwag ipahiya ang estudyanteng iyon sa klase dahil baka magkaroon ito ng trauma at hindi na pumasok at mas mainam din na maghanap muna ng ebidensiya bago manghusga. Pangatlo, ang pagkakaroon ng pantay-pantay na pagtingin sa bawat estudyante. Walang bias o paborito sa klase. Ayon sa aking guro sa Methods 1, ang pagkakaroon ng bias o paborito sa klase ng isang guro ay nagbibigay ng isang diskriminasyon sa iba pang mag-aaral sapagkat alam na nila kung sino ang makakakuha ng mataas na marka. Hindi maiiwasan na magkaroon ng paborito ang guro sa klase lalo na kung ang estudyanteng iyon ay napalapit na sa kaniya o kaya ay tumutulong sa kaniya sa ibang bagay, maaari din na matalino ang bata sa sabjek na tinuturo ng guro o di kaya ay maganda o guwapo ang estudyante kaya naging paborito. Napakahalaga na ang guro ay may pantay ang pagtingin sa bawat mag-aaral. Pangapat, mapagpasensyoso o may positibong pag-uugali, ang kabataan ngayon ay mahilig na sa social media namulat na ang mga ito sa iba’t ibang klase ng impormasyon na binibigay ng internet kaya naman bawat salita ng guro ay may kaakibat na opinyon ng estudyante. Pahabain ang pasensya sapagkat iba-iba ang klase ng estudyante, mayroon na makulit at tanong nang tanong o di kaya’y bigla na lamang tumatayo habang nagtuturo ang guro sa unahan at marami pang iba, kinakailangan ang matinding pasensya sa mga bagay na ito, pero kung hindi na talaga kaya ay tiisin mo! ang sabi saakin ng guro ko sa medyor ay “Huwag na huwag kang magwawalk-out sa klase” bakit? dahil pakiramdam ng estudyante ay nanalo sila kapag nagwalk-out ang guro. Ika nga ng ilan “Patience is a virtue.” Ang pagkakaroon din ng positibong pag-uugali ng guro ay nagbibigay sa isang estudyante ng deteminasyon sa pag-aaral, kahit na simpleng “napakagaling” “mahusay ang iyong ginawa” na sinabi ng guro sa estudyante ay malaki ang naibibigay na impak nito sa kanila at nagkakaroon sila  ng kompiyansa sa kanilang sarili. At panghuli, ay may kahusayan sa pagtuturo. Oo, alam ng guro ang kaniyang tinuturo, pinag-aralan niya ito ng higit 4 na taon o kaya’y kumuha pa ng Master’s o Doktoral kaya naman alam na alam niya ang kaniyang tinuturo, sino nga ba ang gaganahan na makinig sa gurong kapag nagtuturo ay napakahina ang boses? Sino nga ba ang makakaunawa ng tinuturo ng guro kung nakaharap lagi ito sa pisara? Boring ang kalalabasan ng talakayan na ito, hindi mauunawaan ng mga mag-aaral ang tinatalakay at hindi sila gaganahan na makinig, mas pipiliin pa nilang matulog o di kaya’y makipagkuwentohan sa katabi. Sa ganitong sitwasyon mas mainam na makuha ng guro ang atensyon ng kaniyang mga estudyante pagpasok pa lamang ng silid, lakasan ang boses, kung natural na mahina at wala nang lalakas pa ang boses ay gumamit ng mikropono para naman maintindihan ng estudyante ang sinasabi ng guro. Ang guro ko sa medyor ay lagi kaming pinapaalala na huwag na huwag kakausapin ang pisara, kung maaari ay lumakad o umikot sa loob ng silid upang makita mo ang ginagawa ng iyong estudyante at isa rin itong paraan upang makuha mo ang kanilang atensyon. Pag mayroon naman na pangkatang gawain ay lumibot sa bawat pangkat, huwag tamarin! Hindi lahat ng estudyante ay naintindihan ang instruksiyon na binigay ng guro kaya naman lagi yang may tanong kaya mainam na lumibot sa bawat pangkat.  

            Marami tayong kaniya-kaniyang pamantayan sa isang epektibong guro, para saakin ang isang epektibong guro ay nasasaiyo na, kinakailangan lang na malaman mo at mahasa upang pati estudyante ay ganahan sa talakayan at hindi maging boring ang kapaligiran. Mag-isip ng iba’t ibang estratehiya upang mas lalong ganahan sila sa pag-aaral. Gawing kasabik-sabik ang sabjek na tinuturo dahil hindi malilimutan ng isang estudyante ang guro na magaling hindi lang sa sabjek kundi pati sa paraan ng pagtuturo.

Pagsusuri sa dulang Makapaghihintay ang Amerika



“Makapaghihintay ang Amerika” ni Dionisio S. Salazar

        Ang dulang aking nabasa ay ang “Makapaghihintay ang Amerika” ni Dionisio S. Salazar. Base sa aking nabasa mangyaring dalawa ang aking perspektiba sa dulang ito. Una, nakapokus ang dulang ito sa mga nangyayari sa lipunan kung gaano na katalamak ang mga krimen sa bansa, ang hindi makatarungang hustisya sa gobyerno at ang hindi maayos na sistema ng bansa na nagiging sanhi ng kahirapan. Pangalawa, mayroon isang linya sa dulang ito ang nakapukaw ng aking pansin ang mga salitang “Ang isang maysakit, gaanu man kalubha ng karamdaman ay may pag-asang gumaling” dito naipahayag ng  husto na kahit ang sakit ng isang bansa ay makakayang maiahon ang lipunan kung magtutulungan ang bawat mamamayan. Kung mayroon kooperasyon ang bawat isa ay maisasaayos ang bansa.  

Ang pamagat nito ay angkop at wasto sapagkat naipakita sa dulang ito ang mga binipisyo na makukuha kung sa Amerika magtratrabaho si Fidel, naipahayag din ang mga pupuwdeng mangyari kay Fidel sa Amerika. Ngunit, may ibang bahagi sa  pamagat nito ang hindi angkop dahil nakapokus ang dulang ito sa sakit ng lipunan na nararanasan ng Pilipinas sa hindi makatuwirang pamamalakad ng mga politiko at hindi maayos na sistema ng bansa.

Si Dionisio S. Salazar ay alagad ng Sining na tubong Nueva Ecija at hindi matatawaran ang kaniyang husay at galing sa pagsulat ng mga nobela at dula. Marami na rin siyang natamong mga parangal sa Carlos Palanca, National Balagtas at marami pang iba. Nakamit din ni Salazar ang unang gantimpala sa One- Act Play sa Filipino noong 1968 ng kaniyang isinulat ang dulang “Makapaghihintay ang Amerika.” Naparangalan din siya bilang Outstanding Filipino Awardee sa TOFIL noong 1994. Siya ay tunay na huwarang manunulat ng makabagong panahon. Ang kaniyang mga dula ay isang obra maestrang maipagmamalaki nating lahat. Isa siyang premyado at walang katulad ang husay na manunulat na dapat ipagmalaki sa lahat. Ang kaniyang mga isinulat ay dapat tangkilikin sapagkat ito’y sariling atin.
BUOD

        Sa bahay ng mga Cortez, sa Maynila ay makikita sa kanilang sala si Ligaya na nakasandal sa kanilang sofa at bumabasa ng “pocketbook.”  Isa siyang Propesor sa isang malaking pamantasan sa Maynila. Habang nagbabasa ay maiinip siiya sa kahihintay sa byenan at mga anak na nanuod ng sine. Pagkaraan ng ilang minute ay dumating na rin ang kaniyang byenan at mga anak. Ipinagmalaki ni Boy, ang kaniyang anak na lalaki ang kanilang napanoud sa sine. Naipahayag din ni Marta, ang kaniyang byenan na mahusay na ang mga gumaganap na artistang Pilipino ngayong panahon. Habang nagkukuwentuhan ay nabanggit ni Boy ang sinabi sa kaniya ng kaniyang ama na si Fidel na kung gusto nitong pumunta sa Amerika.
        Matapos ang kuwentuhan ay nagbihis ng pambahay ang mga anak ni Ligaya habang naiwan naman sa sala ang magbyenan. Nagkuwentuhan sila tungkol sa pagbabalak ni Fidel na pumunta ng Amerika at ang mga suliranin ng lipunan. Nag-isip sila ng paraan para sa darating na kaarawan ni Fidel bukas. Malungkot si Ligaya dahil muling malalayo nanaman ang kaniyang asawa  sa kaniyang piling kaya naman minabuti nan g magbyenan na kausapin si Fidel sa balak nito. Napag-usapan din nila ang hindi patas na pagtalaga sa posisyon sapagkat napili si Fidel sa isa sa mga itataas ang posisyon sa ospital. Ang pagbabalak ni Fidel na pumunta ng Amerika ay labis na ipinag-aalala ni Ligaya dahil kakaiba ang uri ng pamumuhay ng mga tao doon at panibagong buhay ang kanilang matatamasa kung doon magtratrabaho si Fidel. Naituon naman ang kanilang usapan sa Amerika, kung anong klase ng pamumuhay mayroon sila at ang mga sawimpalad na mga dalagang ina na bunga ng sinasabing makabagong kabihasnan. Ang katotohanang ang ating panahon ay henerasyon ng panggagay, panghuhuwad, panloloko, krimen, pagsasamantala at iba pang mga sakit ng lipunan.
        Dumating si Fidel na nakabarong Tagalog at masuyong hinagkan ang kabiyak nitong si Ligaya. Tinawag naman ni Marta ang kaniyang mga apo upang magbigay galang sa kanilang kadarating pa lamang na ama. Ikinumusta naman ni Fidel ang panonoud ng sine ng mga anak, aktibo naman itong ibinahagi ang kanilang karanasan at napanood. Pagkatapos ay inalok naman ni Marta ang kaniyang mga apo upang magluto ng hapunan. Naiwan ang mag-asawa sa sala. Sinabi naman ni Fidel na may naitalaga na bilang isang assistant director  sa ospital na kaniyang pinapasukan. Saka naman ipinilit uli ni Fidel ang kaniyang balak na pumunta ng Amerika dahil mas giginhawa raw ang kanilang buhay sa Amerika kaysa sa Pilipinas. Hindi na masikmura ni Fidel ang katiwaliang nagaganap sa bansa at ang kawalan ng hustisya.
        Todo naman ang pagkumbinsi ni Ligaya na  manatili na lamang sila sa Pilipinas hanggang sa may narinig silang sumisigaw magnanakaw sa labas ng kanilang bahay hanggang sa may narinig silang putok ng baril. Nagpapatunay ito sa mga sinabi ni Fidel na pasasaan ang kanilang buhay sa Pilipinas kung kabi-kabila ay may krimeng nagaganap. Nang tinawag na sila ni Rosa, ang kanilang anak na babae upang maghapunan. Nabanggit ni Boy na tuwing papasok  na siya sa paaralan ay ihahatid at isusundo siya ng kaniyang ama naitanong ni Fidel kung ano ang gustong maging ni Boy paglaki nito.
        Matapos ang kumain ay naupo sa sofa si Fidel at nag-isip-isip tungkol sa mga nasabi ng kaniyang asawa at ng kaniyang mga anak. Kinaumagahan ay lumabas ng bahay si Fidel upang ikuha ang kanilang dyaryo. Pagbalik niya ay sinorpresa  siya ng kaniyang pamilya. Masayang ibinigay ng kaniyang mga anak at ng kaniyang ina ang kanilang regalo kay Fidel. Nakapagdesisyon na si Fidel na huwag nang pumunta ng Amerika at manirahan na lamang sa Pilipinas. Masayang- masaya naman na ibinigay ni Ligaya ang kaniyang regalo kay Fidel sa pamamagitan ng pagsabi nito na madaragdagan nanaman ang kanilang pamilya. Masaya namang naibigkas ni Ligaya ang “Makapaghihintay ang Amerika.”








URI NG PANITIKAN
        Ang nabasang teksto ay isang uri ng dula. Ang dula ay isang uri ng panitikan na pinakalayunin nito ay maitanghal sa isang tanghalan, nahahati ito ilang yugto na maraming tagpo.  Ang tagpo ay ang paglabas-masok ng mga tauhan sa tanghalan. Ang yugto naman ay ang bahaging pinanghahati sa dula. Inilalahad ang tabing sa bawat yugto upang makapagpahinga ang mga natatanghal gayon din ang mga manonood.
Ang patunay na isang uri ng dula ang “Makapaghihintay ang Amerika” ay sapagkat mayroon itong Simula, Gitna at Wakas. Na kung saan sa Simula ay mayroon tagpuan at ipinakilala ang mga tauhan sa kuwento. Sa Gitna naman ay ipinakita ang tunggalian na kung saan ipinahayag ang pagbabalak na manirahan ni Fidel sa Amerika. Sa Wakas ay mayroon itong kakalasan at kalutasan na kung saan ay napagdesisyonan ni Fidel na manatili na lamang sa Pilipinas. Isa pang patunay ay mayroon itong tagpuan, sa bahay ng mga Cortez, sa Maynila at mayroon din itong diyalogo.
Ang espesipikong uri nito ay ang Melodrama sapagkat kasiya-siya ang wakas nito dahil napagdesisyonan ni Fidel na manatili na lamang sa Pilipinas bagama’t may mga malulungkot na bahagi ito. Maaari rin itong Saynete dahil karaniwang ugali ang paksa nito tungkol sa sakit ng lipunan na nararanasan ng Pilipinas sa kasalukuyan. At pupuwede rin itong Parodia sapagkat tumutukoy ito sa tunay na buhay. Ang mga Teoryang Pampanitikan na nagamit sa dulang ito ay ang Humanismo dahil nabigyang pansin ang mga saloobin ng bawat tauhan sa kuwento. Ipinakita rin kung gaano katalino at may mabuting hangarin ang mga ito. Ang Peminismo dahil ipinakita sa dula ang mga gawain ng isang babae sa isang tahanan. Isa rin itong Teoryang Sosyolohikal dahil inilahad dito ang mga suliranin ng lipunan. Ang Teoryang Eksistensyalismo dahil malayang nailalahad ng bawat tauhan ang kanilang opinyon tungkol sa mga nangyayari sa bansa. At ang Teoryang Realismo sapagkat ipinakita rito ang mga karanasan ng may-akda patungkol sa lipunang kaniyang ginagalawan. Samakatuwid, ang dula ay hango sa totoong buhay.

Base sa mga patunay sa itaas ay maituturing na isang dula ang “Makapaghihintay ang Amerika” ni Dionisio S. Salazar.

ESTILO
       
Ang estilo ng pagkakasulat ng banghay sa kuwento ay mayroon kronolohikal na pagkakasunod-sunod dahil ang paksa nito ay tungkol sa tao na mayroon mahahalagang impormasyon at pangyayari na nagaganap sa kanilang paligid. Nagsimula ang dula sa pag-uusap nina Ligaya at ng kaniyang byenan na si Marta tungkol sa pagbabalak ni Fidel na pumunta ng Amerika. Napag-usapan din nila ang mga bagay-bagay na nangyayari sa loob ng bansa, kung gaano na katalamak ang mga krimeng nagaganap at ang hindi patas na pagtalaga sa posisyon. At sa pagdating ni Fidel ay ito ang naging sanhi upang mag-usap ang mag-asawa ng masinsinan at magkasagutan.
Kapansin-pansin din na ang dula ay nakapokus lamang sa pag-uusap ng mga tauhan tungkol sa suliranin ng bansa at ang kaganapan sa Amerika. Kakaiba ang naging paraan ng pagsulat ng banghay ni G. Salazar sapagkat ang atensyon ng tema nito ay tungkol sa lipunan.

Nagsimula ang dula sa pagbukas ng tabing at makikita sa tanghalan si Ligaya na nagbabasa ng isang “pocketbook” at hinihintay ang kaniyang pamilya na umuwi. Malungkot at puno ng aalalahin ang mukha ni Ligaya. Nagtapos naman ito sa pagdedesisyon ni Fidel na naging sanhi upang maging masaya si Ligaya.








Gamit ng Wika
        Ang dulang nabasa ay may ginamit na dalawang wika, ang Filipino at Ingles. Dahil nasa Kotemporaneo Panahon ito naisulat ni G. Salazar karaniwang lamang sa dulang ito na may halong Ingles sapagkat ang panitikan ng bansa ay nagkaroon na nang kontribusyon sa Ingles. Ang ginamit na kategorya ng wika ay pormal sapagkat mayroon itong panretorika dahil may mga salita sa dula na idyoma.
Maling Salita
Bakit ito Mali?
Tamang Salita
Saan Matatagpuan
Bweno
Mali ang ispelling
Buweno
Sinabi ni Marta, pahina 273
Dito
Dahil nagtatapos sa patinig na “o” ang salita
Rito
Sinabi ni Ligaya, pahina 273
Nang
Dahil ang kasunod na salita nito ay pangalan na lider
Ng
Sinabi ni Ligaya, pahina 277
Kanya
Mali ang ispelling
Kaniya
Sinabi ni Ligaya, pahina 273
Sorpresa
Mali ang ispelling
Surpresa
Sinabi ni Boy, pahina 273
Ke
Mali ang ispelling
Kay
Sinabi ni Boy, pahina 273
Kelan
Mali ang ispelling
Kailan
Sinabi ni Boy, pahina 274
Paris
Mali ang salita
Pareho
Sinabi ni Ligaya, pahina 274
Ganyang
Mali ang ispelling
Ganiyang
Sinabi ni Marta, pahina 274
Aywan
Mali ang ispelling
Ewan
Sinabi ni Marta, pahina 274
Pwestong
Mali ang ispelling
Puwestong
Sinabi ni Marta, pahina 274
Kwarenta
Mali ang ispelling
Kuwarenta
Sinabi ni Ligaya, pahina 278
Kamusta
Mali ang ispelling
Kumusta
Sinabi ni Ligaya, pahina 278
Pulitika
Mali ang ispelling
Politika
Sinabi ni Marta, pahina 278
Pwera
Mali ang ispelling
Puwera
Sinabi ni Marta, pahina 279
Mayroon
Dahil ang kasunod na salita nito ay pandiwa na gumagasta
May
Sinabi ni Ligaya, pahina 274
Myembro
Mali ang ispelling
Miyembro
Sinabi ni Fidel, pahina 279
Eleksyon
May kumpol-katinig ang salita
Eleksiyon
Sinabi ni Fidel, pahina 279
Kelanman
Mali ang ispelling
Kailanman
Sinabi ni Fidel, pahina 281
Nayag
Mali ang ispelling
Payag
Sinabi ni Ligaya, pahina 283
Meron
Walang salitang Meron
Mayroon
Sinabi ni Rosa, pahina 284
Hwes
Mali ang ispelling
Huwes
Sinabi ni Fidel, pahina 287


       

       










Talinghaga
Tayutay/ Idyoma
Uri ng tayutay
Paliwanag
Tsak, tsak, pak, bog!
Onomatopea
Gumamit ng mga salitang gumagagad ng mga tunog na taglay ng isang salita at nagbigay kahulugan sa bakbakang nais ipahatid ni Boy
Ma, ibig pa ni Boy na ulitin. Ang bait-bait po niya sa sine, talaga.
Sarkasmo
Ang pahayag na ito ay pinuri muna si Boy pero sa bandang huli nginutya niya ito.
Anong klaseng bansa tayo?... republikang basahan?...
Tanong Pasayusay
Ang pahayag na ito ay nagtatanong na walang inaasam na sagot mula sa kausap
Tulad niyang mapagmasid, mapanuri, matalino at idyalista… ating ginagalawan: marumi, mapagkunwari, materyalismo, magulo….
Aliterasyon
Bagamat paulit-ulit ang mga unang tunog-katinig ng mga salita.
Sawimpalad
Idyoma
Masaklap/bigo
Ningas Kugon
Idyoma
Gawain na sa una lang masigasig, maganda o magaling. Ngunit kalaunan ay hindi na naitutuloy ang nasimulan. (Wikipedia)
Lumuluha na ang katarungan
Idyoma
Walang hustisya
Magpataba ng puso
Idyoma
Magbola
Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo
Idyoma
Wala ng halaga
Ngunit totoong an gating panahon ay henerasyon ng panggagaya, panghuhuwad, panloloko, krimen at panggagahasa
Aliterasyon
Bagamat paulit-ulit ang mga unang tunog-katinig ng mga salita.

Tauhan at Tunggalian
Ligaya
        Sa pagbubukas pa lamang ng tabing ay si Ligaya na agad ang makikita sa entablado. Siya ang asawa ni Fidel at isang guro sa isang malaking pamantasan sa Maynila. Sa simula, puro siya alalahin dahil sa pagbabalak ng kaniyang asawa na pumunta ng Amerika sapagkat kakaiba na ang klase ng babae sa bansang iyon, ayaw niyang nawawalay sakaniya ang kaniyang asawa at isa pa, siya ay buntis sa ikatatlo nilang anak. Ang pinakatumatak na linya na kaniyang sinabi ay ang “Kahit saan, anak, ay may mahusay at may mahinang klaseng guro.”


Fidel
        Siya ang bana ni Ligaya, isang doktor at nagbabalak na pumunta sa Amerika. Ang may kaarawan kinabukasan.Naisipan niyang pumunta ng Amerika dahil sa hindi maayos na sistema ng bansa. Mayroon ding magandang oportunidad na naghihintay sa kaniya sa Amerika. Hindi rin siya ang napili bilang assistant director sa kanilang ospital. Kilaunan, habang nag-iisip-isip tungkol sa mga nangyari at mga nasabi ng kaniyang anak at asawa na tama sila at huwag na lamang tumuloy sa Amerika. Ang pinakatumatak sa akin na kaniyang linya ay “Hindi ko na masikmura ang mga kabuluka’t katiwaliang aking nakikita, nadarama, nababasa… sayang at hindi ako naging nobelista o mandudula, kung nagkatao’y baka sa isang Noli rin o isang “Kahapon, Ngayon, at Bukas” ang masusulat ko.”

Marta
        Ang ina ni Fidel. Naging patnugot ng isang kawanihan at sa kasalukuyan ay pensyunada na. Kasama ang mga bata na nanuod ng sine. Nag-aalala siya sa kaniyang anak na si Fidel sa pagbabalak nito na pumunta ng Amerika. Mahal na mahal niya ang kaniyang anak at apo kaya gusto lamang nito na maging masaya ang kaniyang pamilya. Ang pinaka nagustuhan kong linya ay ang “Nakakahiya, ngunit totoong ating panahon ay henerasyon ng panggagaya, panghuhuwad, panloloko, krimen at panggagahasa.”   

Rosa
        Anak na babae nina Fidel at Ligaya. 9 na taong gulang. Mapagmahal na anak at matulungin. Ang gusto niyang kunin paglaki niya ay katulad din ng kaniyang ina, ang maging isang guro. Napapansin din niyang mas mahal pa ng kaniyang tatay ang kaniyang trabaho kaysa sa kanila. Ang pinatumatak sa akin na kaniyang linya ay ang “Sa tingin ko, mas mahal mo pa’ng trabaho mo kesa sa amin.”

Boy
        Anak na lalaki nina Fidel at Ligaya. 7 na taong gulang. Mapagmahal at maunawain. Ang gusto niyang kunin paglaki ay isang pulis dahil susugpoin daw niya ang mga masasamang tao. Gusto niyang makapiling ang ama tuwing papasok siya ng klase katulad ng kaniyang kaibigan. Ang pinakatumatak saakin na kaniyang linya ay ang “‘Pahuhuli kong lahat-lahat ng magnanakaw, saka mandurukot, saka ‘yung nambabaril ng tao, saka – a basta lahat ng masama, ‘papahuli ko sa Pulis!”








Himig, Paningin, Tagpuan at Panahon


       Pag-aalala ang himig na nagibabaw sa kuwento sapagkat nababahala si Ligaya sa pagbabalak ni Fidel na pumunta ng Amerika dahil iba ang klase ng pamumuhay ng mga tao roon at isa pa, ibang klase ang mga babae sa lugar. Mas gusto kasi ni Ligaya na manatili na lamang sa Pilipinas kaya naman pinaintindi ni Ligaya kay Fidel na hindi na nila kailangan pang pumunta ng Amerika para lamang umalis sa bansang walang kaayusan. Pinapakita rin dito ang mga suliraning nagaganap sa Pilipinas ang hindi organisadong pamamahala ng mga Politiko at talamak na krimen.

        Isa rig himig nito ang pagkagalak dahil sa huling tagpo ng dula ay naintindihan na rin ni Fidel na hindi niya naman kailangan pang pumunta ng Amerika upang makaalis sa Pilipinas. Narito ang kaniyang pamilya at dito na siya lumaki, napagtanto rin niya ang mga sinabi ng kaniyang mga anak. Pagkagalak sapagkat napagdesisyonan na ni Fidel na manatili sa bansa at may isang balita siya na nagpagalak sa kaniyang kalooban, ang pagbubuntis ni Ligaya sa kanilang pangatlong anak.


        “Ikaw ay isang tanyag na siruhano. Di ba’t ang isang maysakit, gaaanuman kalubha ang karamdaman, ay may pag-asang gumaling?” “Depende sa karamdaman, Gay. Nakita mo, ako’y hindi nandiri kailanman sa anumang sakit, datapwa’t ang sumasagong nana n gating lipunan ay totoong napakalansa, nakakaririmarim, nakakasuka.”  Isa ang linya ito sa patunay na ang paksa sa dulang ito ay tungkol sa mga sakit ng lipunang nagaganap sa Pilipinas na kung saan hindi na kaya pang tignan ni Fidel ang mga nangyayari.


        Ang tagpuan ay sa tirahan ng mga Cortez, sa Maynila. Nagsimula ang kuwento sa may loob ng bahay ng mga Cortez na kung saan naka-upo si Ligaya sa sopa at nagbabasa ng pocketbook makikita sa loob ng bahay ang mga mamahali’t makabagong muwebles, telebisyon, hi-fi, atbp. (iaangat ang ulo sa binabasa at titingin sa kaniyang orasan) Aba mag-aanim at kalahati na’y wala pa si Mama, tila sila nawili sa panonood… Si Fidel naman ay wala rin. (Itutuloy ang pagbasa)  



        Ginanap ito sa kasalukuyang panahon na kung saan talamak ang krimen at kawalan ng hustisya sa bansa. Hindi organisado ang pamamahala at angat ang taong may kapit sa taas. Kabilabilaan ang mga krimen nagaganap sa panahong ito mayroon isang linya sa kuwento ang nagpapatunay na kahit saan ay may krimeng nagaganap.




















Bisa

         
        Pilipinas. Kung noon bago pa man dumating ang mga Kastila sa ating bansa, kilala na tayo bilang mga magnanakaw kaya naman kinakatakutan tayo ng mga katabing bansa. Nang dumating ang Kastila ay naging alipin tayo sa sarili nating bayan, dito nagsimula ang pangungutong, suhol at korupsyon. Malungkot man isipin ngunit hanggang ngayon ay nangyayari pa ito sa ating bansa. Kaliwa’t kanan ang mga krimeng nagaganap sa ating lipunan dahil sa mga taong tanging iniisip lang ay ang kanilang ikaaangat sa buhay.  Ang dulang ito’y pinapahayag ang mga kadalasang nagyayari sa isang pamilya at lipunan. Sa dula rin itong pinakita na ang mga materyal na bagay ay hindi siyang lahat sa buhay ng tao. Ipagmalaki rin natin ang ating bayan at mas mahalin ang mga taong nakapalibot saatin.

       














Mungkahi
1.   Magkaroon pa ng ganitong klase ng dula upang maging daan para malaman ng mga mamamayan ang tunay na nangyayari sa bayan.
2.   Kailangan itong mabasa ng mga mamamayan upang mamulat sila sa mga pangyayari sa bansa at mapagtanto kung ano ang dapat gawin.
3.   Bagaman talamak na ang krimen sa ating bansa, mas mabuti kung mababasa ito ng mga Politiko para mabura na ang korupsyong nagaganap sa ating lipunan.
4.   Isipin din ng mga magulang ang kanilang mga anak bago magdesisyon sa mga bagay-bagay, kung ano nga ba ang mararamdaman ng bata sa kung anong desisyon ang napagtanto ng isipan.
5.   Magkaroon dapat ang lahat ng magulang ng oras para sa kanilang anak upang mabigyan pansin ang mga ito at huwag magrebelde kung sakali.
6.   Dapat lang na mag-usap ang mag-asawa at magkalinawan sa mga bagay-bagay.
7.   Maging mapagmatyag sa mga nangyayari sa lipunan. Huwag lamang itong isa walambahala.
8.   Maging matalino at matapang sa bawat desisyon na gagawin.
9.   Hindi solusyon ang pagtakas sa responsabilidad.
10.              Mahalin ng lubosan ang iyong bayan.